Emotional Fiddler
Gusot. Dahil hindi plantsado ang buhay ng tao. |
|
Statistics
Unique Visitors:
Total Unique Visitors:
Outgoing:
Total Outgoing: |
0
0
42
7434 |
|
|
Articles from Emotional Fiddler |
Labing-apat - Ang Kabaong.
2007-06-19 12:18:52
“Mukhang wala na siyang balak.” Walang emosyong nakatanghod si Clarissa sa malamig na katawang nakasilid sa ilalim ng salamin ng isang mumurahing kabaong. “Ano sa tingin mo?”
“Nanay niya si Inay, Ate. Hindi pwedeng hindi siya pumunta.”
Hindi nakatulong kay Clarissa ang malulumanay na mga salitang nanggaling kay Elsa. Tanging sa matandang babaeng nakahiga sa kanyang harapan natuon ang kanyang pansin habang binabalot siya ng kalamigan ng gabing iyon. Ang malapilak na mga buhok ng kanyang ina ay isa sa mga palatandaan ng malinaw na paglipas ng kabataan nito. Bakas pa rin sa kabila ng mga kulubot sa mukha nito ang kagandahan ng isang Venus.
Malaking kaltas sa naipon ni Clarissa ang napunta sa nangyaring trahedya. Hangga’t maaari ay nais niyang mabigyan ng mabuti-buting libing ang sisenta anyos niyang nanay. Hangga’t kaya ng bulsa ay gagawin niya ang makapapanatag sa kanyang budhi. Kung mayroon lang sana siyang mas malaking salapi, wala siyang ...
|
Labintatlo - Hawing Ulap.
2007-06-18 12:17:57
Sariwang-sariwa pa kay Kim ang mga pangyayari sa sinehan. Anumang pilit ang gawin niya sa pagtulog ng las-nueve ng gabing iyon ay hindi niya magawa. Nakatunganga lang siya; hindi alam ang dapat maging takbo ng lahat. Sa pagkakahiga niyang iyon sa kanyang kama, bumalik sa kanya ang araw kung kailan niya unang nasilayan ang ngayong best friend niya, hanggang sa may namuo nang pagtingin, hanggang sa minahal niya na ito ng higit sa isang kaibigan. Ngayon niya lang naramdaman ang ganoong pakiramdam. Ngayon lang din siya hindi makatulog ng maayos kaiisip, kaiisip, kaiisip.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata, ngunit sa halip na makatulog ay mukha lang ni Kimmy ang kanyang naaalala. Napakaganda.
Hanggang sa narinig niyang kumakatok sa pinto ang kanyang Mommy.
“Kim, telepono.”
Mabilis siyang lumukso palabas ng kanyang kama at nagmadaling hinablot ang telepono sa kanyang Mommy.
“Hello?”
“Magbabagong-taon kami sa Cavite. Gusto ko, kasama ka. Gusto rin nina Mama. Pinagpaalam na kita. 4 ...
|
Labindalawa - Ang Resibo.
2007-06-17 12:17:04
Naging palagay ang loob ni Kimmy kay Kim. Para bang sa isang kisapmata lang ay nagbago na ang takbo ng mundo ng binata. Maigi niya itong nakilala, pati na rin ang pamilya nito. Naging sobrang lapit nila sa isa’t isa kahit na hindi sila magkaklase. Kapag puwedeng magkasabay sa lunch ay nagsasabay sila. Minsan kasama nila si Errol. Kapag wala siyang gagawin tuwing Sabado, lumalabas silang dalawa para manood ng sine (kapag merong magandang palabas, siyempre). Mahilig si Kimmy sa comedy pero ang huli nilang napanood ay ‘yung The Reaping kung saan sobra silang natakot. Kapag exams naman, hindi sila pwedeng magkanya-kanya. Pumupunta si Kim sa bahay ni Kimberly at doon sila nag-aaral. Natutuksu-tukso sila ng mga nakababatang kapatid ni Kimmy. Ang nanay nito ay sobrang bait sa kanya. Komportable si Mrs. Roces na makitang kasama ng kanyang pangalan ang isang Kim Tiopez. Isang OFW naman ang tatay ni Kimmy. Madalang itong umuwi dahil sa hirap ng paghingi ng bakasyon sa amo.
Noong panahon na m ...
|
Labing-isa - Salamin.
2007-06-16 12:15:15
Isinalin kaagad sa lalagyan ang maliliit na piraso ng yelo pagdating ni Errol ngunit naubos na ng dalawa ang tanging bote ng alak.
“Ang bilis mo naman!”
“Panik na kayo sa room ko,” utos ni Paulo habang inililigpit ang mga gamit.
“Pinaghanap niyo pa ‘ko nito, tapos tutulugan niyo ‘ko?”
“Ang bilis mo nga kasi,” ulit ni Redd na nakahakbang na sa loob ng bahay, dala-dala ang gitara ni Errol.
Si Errol lang ang may pinakamatinong pag-iisip sa mga sandaling iyon. Ang dalawa ay hindi na halos makapagsalita ng maayos at ginutay na ng pagkamulagat.
Pagkapanhik sa kuwarto, naglatag si Paulo ng isang kutson sa sahig. Kumuha siya ng dalawang unan at ibinigay sa dalawang kabarkada. Umanyo nang matutulog ang tatlo. Matapos makapagbihis ng T-shirt ay binuksan ni Redd ang electric fan at ipinaikot sa kanila.
Maliit lang ang kuwartong iyon ni Paulo. Sa bughaw na dingding ay nakapaskin ang larawan nilang tatlong magkakaibigan. Walang makikitang iba pang bagay maliban sa paskil ng pabo ...
|
Sampu - Si Gina.
2007-06-15 12:13:06
Nakarating sa dalawang magkasunod na tindahan si Errol ngunit nabigo siya sa pagbili ng yelo. Ang unang tindahang napuntahan niya ay nasiraan ng refrigerator. Ang ikalawa naman ay sarado na. Sa kanyang paligid ay wala na siyang mabakas na mapagbibilhan. Oo, gabi na, naisip niya. Ngunit nang makita niya ang isang pamilyar na bahay, nagkaroon siya ng lakas ng loob na makamintis ng suwerte.
Sumulong siya sa isang may kalakihang bahay at kumatok, hindi man tiyak kung tama ang kanyang hinala. Di kaginsa-ginsa, tumambad sa kanya ang maamong mukha ng isang labing-anim na taong gulang na dalaga. Tumpak!
“Gina!”
“O, Errol, gabi na, ha? Bakit?”
Hindi nakalusot sa paningin ng binata ang maikling damit ni Gina. Kaipala’y hindi niya ito pinansin.
“Istorbo ba ‘ko?”
Lumingon si Gina sa loob ng bahay bago wikaing “Hindi naman.” Hindi siya halos makatingin ng tuwid.
“Ang bilis mo namang buksan ang pinto.”
“Nandito lang kasi ako sa sala. Wala kasi akong kasama. Ay! Tuloy ka mun ...
|
Siyam - Ang Inuman.
2007-06-14 12:11:25
Lílimang gamu-gamo ang naglalaway sa ilalim ng malagintong liwanag na nagmumula sa matayog na troso ng kahoy na pinagkabitan ng bombilyang nagsisilbing ilaw sa madilim na lugar na iyon. Sa unang sulyap mabibigyan ng kahulugan ang salitang “katahimikan” lalo na’t halos hindi madaplisan ng malalakas na ingay tuwing gabi ang daanan. Datapwat ang nangyaring karahasan sa tinatawag na “bahay ng pokpok” noong isang buwan ay lubhang nagpatulog ng maaga sa mga tagaroon.
Iilan lang ang nanatili sa takbo ng kanilang buhay na animo’y hindi takot na maulit ang napabalitang patayan sa dulo ng Kalye Pulangbakal. Ang mga ito ang pinagmamalasakitan ng mga gamu-gamo. Kung maaabot lang marahil ng mga kaawa-awang kulisap na iyon ang sa kalangita’y nakasabit na buwan, na ngayo’y bilug na bilog, walang kaabuk-abok nila itong sasambahin sa kawalan ng kaalamang huwad ang Haring Buwan. (Hindi baga nila nalalamang ang tunay na pinagmumulan ng matinding liwanag ay ang hugi ...
|
Walo - Ang Payong.
2007-06-13 12:09:51
Paglabas niya ng simbahan, dumiretso si Kim sa paglalakad papuntang paaralan. Hanggang sa pumatak ang paunti-unting tubig mula sa langit. Binuksan niya ang kanyang payong. Sa mismong pagkakataong iyon ay nakita niya si Ms. X sa kabilang bangketa. Inilabas nito ang kanyang payong para may masilungan ngunit sa kasamaang-palad ay nahirapan siyang buksan iyon. Ang pag-ambon ay dahan-dahang lumakas.
Si Kim ay inulanan ng langit ng tibay ng loob upang tumawid ng kalsada at lumapit sa dalaga. Isinilong niya ito sa kanyang payong.
Halos hindi niya nagawang ibuka ang kanyang bibig para makapagsalita. Nakatingin lang sila sa isa’t isa habang patuloy na nagiging malakas ang ulan.
“Lakad na tayo sa school.”
Hindi man lang tumanggi ang dalaga sa alok niya. Ang tiwalang ibinigay sa kanya ay kayamanang maituturing.
“Salamat,” ang nasabi ni Ms. X.
Ang kanyang boses. Matagal inasam ni Kim na marinig ang kanyang boses.
Kung puwede lang maging superhero, naisip niya, gusto niyang magkaroon ng ...
|
Pito - Sa Simbahan.
2007-06-12 12:09:09
Sa pagtugtog ng ika-anim ng ikatlong umagang iyon ng malamig na Oktubre sa malaking orasang nakakapit sa pader na malapit sa mga kampana ng simbahan, nakatunghay pa rin ang mga paslit na nangagtataglay ng mga panindang sampagita sa bawat pasukan ng panalanginan, naroon pa rin ang mga aleng nagtitinda ng mga matamis sa gilid ng bangketa, ang iba ay nag-aalok sa mga dumaraan ng mga kung anu-anong agimat, anting-anting, gayuma, pulseras, kuwintas, at iba pang pinaniniwalaan nilang nakapagpapataboy ng kamalasan at sa halip ay nagdudulot ng suwerte sa buhay ng tao. Sa labas ng simbahan ay nangaroon ang iba’t ibang paniniwala, tradisyon at kulturang minana noon pa man, nagpapalipat-lipat sa bawat salinlahi, natitira ang matatag na kaloobang makakamit nila ang anumang hangarin sa buhay kapag suot nila ang mga paniniwalang ito, mga tradisyon, kultura at iba pa, samantalang sa loob ng simbahan ay nangaroon ang magpasahanggang ngayon ay paniniwala pa rin, tradisyon pa rin, at bahagi pa rin ...
|
Anim - Tangka.
2007-06-11 12:07:00
Nang pumasok ang buwan ng Oktubre, sumama ang panahon sa bawat araw na dumaan. Pabago-bago ang naging kilos ng hangin. Nakadalawang magkasunod na pagsuspindi sa mga klase dahil sa sama ng panahon. Isang Biyernes, nagdalawang-isip ang Mommy ni Kim na papasukin siya.
“Dito ka na lang kaya sa bahay? Mukhang hindi maganda ang panahon.”
“Mommy, hindi pwede. Biyernes pa man din. Magdadala na lang ako ng payong.”
“Hindi ako papasok ngayon, ‘nak. Uwi ka ng maaga para may kasama ako dito. Masama ang pakiramdam ko.”
“Sige, Mommy.”
“Teka. Kunin mo ito.” Inabot sa kanya ang isang lupon ng mapupulang bulaklak.
“Ano ‘to?”
“Nakalimutan mo na ba? Pista ngayon ng Birhen. Ialay mo ‘yan sa Simbahan. Maaga pa naman.”
“Sa Birhen po ba o sa kamatayan ni Daddy?”
Hindi nakapagsalita si Mrs. Cynthia Tiopez.
“Kamatayan ngayon ni Daddy, diba?”
“Oo,” matamlay na sagot ng Mommy niya.
“Ok.” Wala nang ibang naisip sabihin si Kim. Alam niyang may hindi siya alam. Alam ...
|
Lima - Si Ramon.
2007-06-10 12:04:32
Lagpas las seis y media na nang magising si Errol matapos ang pagpupuyat para makapag-aral para sa pagsusulit. Nang mabarandal sa trapiko ang jeep na nasakyan ay napilitan siyang lakarin manding takbuhin ang papunta sa paaralan.
Nagkakanggagahol si Errol habang tahimik na tumatahak sa mahabang pasilyo. Hindi kinaya ng kanyang kaselangan ang pagmamadali.
“You’re late.” Nangunyapit ang boses ni Ms. Clarissa Moneda nang makitang sumusuling-suling si Errol sa pintuan.
“Sige, pagbibigyan kita. Pumasok ka na. August na, Errol, magbago ka na.”
“Sorry po.”
Dahil sa siya ang pinakahuling dumating sa araw ng pagsusulit, wala nang napagpiliang silyong mauupuan si Errol. Napadpad siya sa pangalawa sa pinakadulong upuan sa bandang kaliwang sulok ng silid-aralan. Sa kanyang harapán ay nakaupo si Kim at sa likuran naman ay si Ramon, na may kung anong binubulong sa katabi. Ang dulong hilera ng mga silyon ay napunan ng mga magbabarkadang lalaki. Sa bandang harapán naman ay nakaupo sa ka ...
|
Apat - Si Me-Ann.
2007-06-09 12:03:53
Ang nakasabit na orasan sa dingding ng maliit nilang bahay na gawa sa pinagdikit-dikit na mga plywood at pinagbigkisan ng ilang patapong kahoy galing sa malapit na pabrika ang nagpapasakit sa mga mata ni Me-ann. Ang pagsayaw ng pulang kamay ng bago nilang orasan sa bawat segundong lumilipas ang isa pang dahilan ng kanyang pagkabagot. Naghihintay siyang sumapit ang ikawalo ng gabi sa pag-aasam na mapunan na ng pagkain ang kanyang tiyan. Kanina pa niya tinitiis ang gutom. Wala siyang perang maipambili ng maski anumang sitsirya o tinapay man lang. Wala siyang ibang tangan kundi ang walang-pasubaling pag-aasam na magdadala ng pagkain ang kanyang nanay pagkagaling sa trabaho.
Nakahilata naman sa malamig na semento ang kanyang bunsong kapatid na si Emil na inapoy ng lagnat kaninang umaga; sa awa ng Diyos, mabuti-buti na ang kalagayan niya sa ngayon. Nakipagtalo pa ito sa kanyang kapatid kung sino ang mauunang umuwi ng bahay kinagabihan, ang kanilang nanay o ang kanilang ama-amahan. Ang huli ...
|
Tatlo - Si Errol.
2007-06-08 12:02:01
Dahil sa kalahating oras lang ang lunch break, kailangang magmadali ng sinumang nasa ikaapat na taon para maabutan ang susunod na klase. Sa kaso ni Kim, kailangan niyang maunahan ang guro niya sa Estadistika upang hindi mamarkahan ng huli sa talaan nito—yaon ay kung may isang guro ngang magpapakita.
Pagkaupo ni Kim sa kanyang silyon, walang panghihinawa niyang pinagmasdan ang mga kaklase na patuloy pa rin sa pag-iingay hangga’t walang gurong pumupuna sa kakulitan ng buong klase. Naroong nangakaupo sa sahig ang mga babae at nangaglalaro ng karta sa kabila ng pagkakabukaka ng kanilang mga binti na sa kabutihang-palad ay natatakpan ng luntian nilang palda, habang ang ibang lalaki ay nasa pintuan at nangagkakantahan sa saliw ng musikang likha ng gitarang dala ng isang nagngangalang Errol.
“Huwag mong daganan ang bag ko,” daing ng isang babaeng maliit ang pangangatawan at may kaliitan din ang boses sa naggigitara. Pilit niyang hinila ang bag at inayos sa kanyang sariling silyon.
“ ...
|
Dalawa - Daplis.
2007-06-07 12:00:54
Pagdating sa silid-aralan, isinubsob ni Kim ang sarili sa pagbabaliktanaw sa mga nakalipas na liksyon dahil sa nalalapit nilang pagsusulit. Pagkalipas ng ilang oras ng mga klase, tanghalian na kaagad ang nasa kukote ng binata. Sino ba naman ang hindi magugutom sa ganoong kalagayan?
Sa tinagal-tagal ni Kim sa paaralan, hindi niya kailanman naranasang magbaon ng pananghalian. Hindi naman sa tamad magluto ang Mommy niya. Sa totoo nga, mas nauuna pa itong gumising kaysa sa kanya kapag may pasok para makapaghanda ng kanyang almusal. Nang minsang matanong ni Kim kung bakit hindi siya ipinagluluto ng baon, ang tanging sinagot sa kanya ay “lalamig lang ang kanin at ulam”. Oo nga naman, naisip ni Kim, para saan pang magbaon siya ng lutong pagkain kung hindi rin naman siya masisiyahang kumain ng malamig na tanghalian. Tuloy, tuwing lunch break, sa main canteen ang bagsak niya. Maaayos naman ang mga luto. Sa sobrang dalas nga niya roon, saulo niya na ang bawat putaheng ilalabas nila sa bawa ...
|
Isa - Ang Misteryosa.
2007-06-06 12:00:40
Dalawang bagay lang ang palaging sinisigurado ni Kim bago siya lumabas ng bahay: ang mga laman ng kanyang bag at ang kanyang hitsura sa harap ng salamin. Unang araw ng Hulyo kaya siya determinadong makapag-ayos ng mabuti. Para sa kanya, ang bawat unang araw kailanpama’t bawat buwan ay nangangahulugan ng panibagong simula kung saan nararapat na magkaroon ng kahigitan ang anumang aspekto ng buhay.
Kuwaderno para sa Matematikas, Ingles at Agham, isang aklat sa Ekonomiya, at dalawang ballpen ang tanging laman ng kanyang bag. Ang klase niya sa P.E. at Kimika sa araw na ito ay lubos-kasiyahan niyang hindi aalayan ng katiting na pansin, sanhi ng kanyang pagkayamot sa kaaburiduhan ng mga guro ng mga asignaturang nabanggit.
Pagkasara ng siper ay mabilis siyang humarap sa salamin upang masiyasat ang sarili. Nakatayo na ang kanyang mga buhok na nilagyan ng gel. Ang kanyang mga mata ay waring mapag-alang-alang kasama ng kanyang mapupulang labi na kumukurba sa gilid tuwing siya’y sumusuntok ng ...
|
Pink 5ive by Silent Sanctuary Lyrics.
2007-06-06 04:58:55
Nakita, nakita, nakita, ko na si Pink 5ive
Nakainuman, nakasama, nakausap, ko na si Pink 5ive
Red 1, Green 2, Blue 3, Yellow 4, Pink 5ive
Prinsesa, kulot, ang buhok, pala ni Pink 5ive
Kulay itim, Isnow, pangalan, ng aso ni Pink 5ive
Red 1, Green 2, Blue 3, Yellow 4, Pink 5ive
Rakista, pankista, aktibista, pala si Pink 5ive
Istrict, ang parents, si mang vic, ang drayber ni Pink 5ive
Red 1, Green 2, Blue 3, Yellow 4, Pink 5ive
Oh Pink 5ive, Pink 5ive, nasan ka na? Ang dali mo namang pumalya
Hindi ko kayang labanan ang kontrabida kapag wala ka
Araw-araw kang iniisip, mula pag gising hanggang sa pag-idlip
Di ba sinabi mong ako’y hihintayin, mali pala, mga superhero’y sinungaling din
Araw-araw kang iniisip, gabi-gabi kitang napapanaginip
Di ba nangako ka ako lang sa’yo, mali pala ako
Pinaasa mo lang, pinaasa mo lamang, iiwanan mo lang pala ako
...
|
|
|